Eto na.
Sa gitna ng isang masayang kuwentuhan, napunta sa biruan na: tumatakbo sa COA ang mga natatalo sa elections sa org. Sabi: pag natatalo, tumatakbo sa iba, nagququit, umaalis, lumilipat sa iba etc etc.
Tapos?
Sa totoo lang, hindi ko naman talaga gustong magsulat tungkol dito pero siguro okay na rin na sinasabi ko rito ang mga hindi ko masabi sa iba. Kaya heto na:
Ayoko na sanang balik-balikan ang usaping ito pero para ito sa ikatitigil ng lahat ng mga nagmamarunong, nanghuhula, nagbibiro, nanloloko, nagtatanong, etc etc.
Natapos ang eleksyon at natalo nga. Nalungkot ba? Oo. Dahil sa tindi ng kagustuhan na makapagsilbi sa organisasyon, sa nasayang na pagkakataon na masimulan ang ninanais na pagbabago. Sumama ang loob? Oo. Dahil sa pakiramdam na hindi na-appreciate ng mga tao ang mga ginawa mo, pinaglaban mo, kawalan ng tiwala nila, pero ang pinakanakasama sa loob ay ang pagbuhos ng oras mo sa organisasyon na iyon kahit umabot sa puntong napapabayaan na ang ibang organisasyon. Mahal ko ang ANI. Sobra siguro. Pero alam kong kahit wala ako doon, maraming mga magagaling na mamumuno doon. Kaya mas priyoridad ko ang Gabay. Nung nagdesisyon akong tumakbo, naihanda ko na ang sarili ko sa posibilidad na iwanan ang ANI. Sa katunayan, handa na akong iwanan ang ANI kung mananalo ako. Mahal na mahal ko ang ANI pero handa akong iwanan iyon. Kaya sana lang hindi ako agad hinusgahan ng mga taong nagmamarunong pa sa akin…na kesyo “di ba may ANI siya?” Kung nakita ng mga tao na abala ako sa caroling ng ANI at hindi sa Gabay, iyon ay dahil ako ang head ng caroling sa ANI. Responsibilidad kong maging laging nandun lalo na’t unang taon pa lamang ng ANI caroling. Napagod na ba? Oo. Pagod na sa mga problema sa Gabay. Sa kawalan ng interes ng mga tao sa pagtataya. Sa pagiging makasarili ng iba, sa pagiging ligaw ng landas, sa mga taong hindi ko naman gusto ang ugali, sa mga nauubos na mga kaibigan na nawawalan na rin ng tiwala at pag-asa, sa hinaharap na tila walang liwanag, sa mga problema sa administrasyon ng Ateneo, sa pagmamapilit ng Guidance, sa pagiging makitid ng utak ng bise-presidente ng paaralan, sa kakitiran ng utak ng ibang tao, sa pagiging mapanlait, pagmamagaling at pagyayabang ng iba, sa katamaran, sa nauubos na pag-asa, sa kawalan ng gana, sa di matapos-tapos/paulit-ulit na usapan at debate, sa pagiging bingi, sa kawalan ng aksyon, sa pananatiling tulog, sa kawalang-pakialam, sa mga maskara, sa mga pangarap na mukhang malabo na, mga karaingang paulit-ulit lang naman…
Sa mga nagtanong kung bakit ko sinabing aalis na ako sa gabay, naintindihan nyo na ba ako?
Ang pag-alis ba ay isang pagtakas? Oo. Marahil dahil nawalan na ako ng ganang umasa. Aalis ba ako? Hindi. Dahil sa totoo lang, hindi ko makita ang sarili ko na hindi na isang Gabayano.
Karamihan sa mga lalaki, pag nabasted sa isang babae o kaya nama’y hiniwalayan ng gf, lumilipat agad sa ibang teritoryo. Naghahanap agad ng ibang babae. Panakip-butas? COA ba panakip-butas lang? Na dahil natalo sa org, dun naman tatakbo?
Ewan ko sa iba pero sa akin hindi. Ngayon na nanalo ako sa COA, naiisip ko na hindi nga siguro ako nakatakdang maglingkod sa Gabay. Kung tutuusin naman kasi ngayon, mukhang nagiging ok na ang lahat. Gumagawa na ng paraan ang bagong EXECOM. Pinapakinggan na ang mga hinaing. Gumagawa na ng paraan upang masolusyonan ang problema. Mabuti naman. Natalo nga ako sa Gabay, tumakbo sa COA at nanalo na doon. Eh ano naman? Hindi ibig sabihin nun na hindi ako seryoso o na hindi ko talagang gustong maglingkod sa cluster o na hindi ako deserving o hindi malinis ang intension ko o sabik ako sa kapangyarihan etc etc. Mahiya ka naman. Una sa lahat, pinag-isipan ko ang pagtakbo ko sa COA. Inisip ko kung gusto ko ba talaga o para lang may gawin ako. Inisip ko kung kaya ko ba talaga o nadadala lang ako sa agos ng mga pangyayari. At nagdesisyon akong tumakbo dahil gusto ko at kaya ko. Tulad ng sinabi ko sa tatlong minutong pagsasalita ko sa miting de avance: passion, paglilingkod at kaya ko. Hindi ko alam pero parang may magnet na humahatak sa akin parati sa mga gawaing pangkawanggawa at sa mga organisasyong gumagawa nito. Malapit sa puso ko ang mga ganitong usapin at dito ko gustong mas makapaglingkod. Kung hindi man sa Gabay, marahil mas may nangangailangan ng paglilingkod ko.
Nung may nagsarang pinto, may biglang nagbukas na isa pa…pero mas malawak, at mas malaki ang hinihingi sa akin.
Pero salamat pa rin sa Diyos.
-------------------------------
sinulat ko ata to last week pa..hehe. pero i am not taking back any word i wrote. :)
4 years ago
0 comments:
Post a Comment