Ang hirap ng finals ko kanina. Ang dami kong ginawa para dun: natulog nang 3am at gumising ng 6am (3 hrs of sleep), nang-istorbo ng mga kaklase para lang masiguradong mapeperpekto ko yun. Sobrang kinabahan din ako..napagod. Nung hapon na, kahit oras na muna ng pahinga ay ni hindi ako makakain ng mabuti. Wala na akong lakas para magsalita pa o makipag-todong kulitan pa sa mga kaklase ko kahit na ang saya-saya nilang kasama. Naramdaman kong mabigat na ang mga mata ko..mabigat na ang pakiramdam ko. Pero alam kong hindi pa nga tapos ang test ko. Nagpahinga muna ako ng konti. Yung proyektong kailangang matapos nung umaga, natapos naman. Ok naman ang kinalabasan kahit na kinulang sa oras, preparasyon at naging biglaan ang lahat.
Nung malapit na ang huling bahagi ng test sa gabi, naalala kong may hindi pa pala ako nagagawa at kailangang gawin na isa pang proyekto. Humingi ako ng tulong sa iba dahil pakiramdam ko, hindi na kaya ng katawan ko; pero sa huli, ako pa rin pala ang kailangang gumawa. Kaya ginawa ko. Mabuti may ibang tumulong sa akin. Salamat sa inyo. Nung natapos na ang test, kampante akong magaling ang ipinakita ko sa test. Subalit sa kabila ng lahat, naramdaman kong gusto kong umiyak. Umiyak hindi dahil sa sayang nararamdaman dahil tapos na ang lahat…sana nga ganun…pero parang lalong bumigat ang loob ko. Akala ko kapag ginawa ko na ang lahat, magiging maganda ang bunga ng mga pagsisikap ko. Sabi nila, pag binigay mo ang lahat ng kaya mo, lalo na’t umayon sa gusto mo ang mga pangyayari, magiging masaya ka na – fulfilled kumbaga. Pero iba ata ngayon. Bigla kong hinanap ang saya…yung fulfillment (ayon sa kanila)…yung mabuting pakiramdam na yun. Kinapa ko. Hinanap ko pero hindi ko natagpuan.
0 comments:
Post a Comment